MANILA, Philippines — Tiniyak ni Vice President Sara Duterte na handa ang Office of the Vice President (OVP) na ipagpatuloy ang kanilang trabaho at operasyon kahit pa walang budget para sa susunod na taon.
Ginawa ni VP Sara ang pahayag kasunod ng mga ulat na plano umano ng House of Representatives na i-defund ang OVP o di kaya ay bawasan ang kanilang panukalang budget sa susunod na taon.
Sa isang recorded video interview na ipinamahagi ng OVP sa media kahapon, sinabi ni VP Sara na narinig na nila ang naturang isyu ng defunding, gayundin ang umano’y plano ng Kongreso na bigyan lamang ng P1 budget ang OVP.
Pagtiyak naman niya, handa silang magtrabaho kahit walang budget at sa kabila ng mga pag-atake sa kaniya at sa kaniyang tanggapan.
“Handa kami. Handa ako sa Office of the Vice President na magtrabaho kahit walang budget. Maliit lang ‘yung opisina namin. Maliit lang ‘yung operations namin kaya kayang-kaya namin na magtabaho kahit walang budget,” wika ni Duterte.
Magugunita na hindi dumalo si VP Sara at kanyang mga staff sa budget hearing sa Kongreso at ipinaubaya na lamang ang pagbibigay ng budget sa OVP sa House Appropriations Committee.