PNP ‘di papayag…
MANILA, Philippines — Ipinag-utos ng korte sa Quezon City na ilipat agad sa Quezon City Jail si Pastor Apollo Quiboloy at ang kanyang apat na kapwa akusado mula sa PNP Custodial Center sa Camp Crame.
Ang kautusan, na may petsang Setyembre 9, 2024 ay nilagdaan ni Quezon City Regional Trial Court Branch 106 Presiding Judge Noel L. Parel.
Inatasan ng kautusan ang hepe ng Philippine National Police Headquarters Support Service na “ilipat at i-commit” sina Quiboloy at Cresente Canada sa New Quezon City Jail sa Payatas Road.
Habang ang tatlong babaeng kapwa akusado na sina Jackielyn Roy, Ingrid Canada at Sylvia Cemanes ay iniutos na ilipat sa Quezon City Jail-Female Dormitory sa Camp Karingal.
Si Quiboloy at ang iba pa ay nasa kustodiya ng pulisya dahil sa umano’y paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation, and Discrimination Act gayundin sa qualified human trafficking.
Samantala, sinabi naman ni PNP spokesperson Police Colonel Jean Fajardo na mananatili si Quiboloy at apat na kapwa akusado sa PNP Custodial Center dahil iniutos din ng korte sa Pasig na manatili sila sa kanilang poder.
“Meron din pong inilabas na order po ang RTC Pasig directing the PNP to retain the custody nitong mga nasabing indibidwal dahil yung kaso po nila sa Pasig po ay non-bailable po,” aniya.
“So we don’t want to run the risk na ilipat po sila doon sa QC tapos mag-bail po sila. Wala na pong kontrol ang PNP doon. We just have to really harmonize po itong mga court order na ito,” dagdag niya.