Appropriations chair, pumalag sa akusasyon ni VP Sara
MANILA, Philippines — Pinalagan ni House Appropriations Chairman Elizaldy Co ang mga akusasyon ni Vice President Sara Duterte na siya at si House Speaker Martin Romualdez lang ang may hawak ng pambansang pondo.
“Again, malaking pambubudol na naman nila yan. Akala siguro nila hindi matalino ang taumbayan, imposible ang paratang ni VP Sara dahil, ang Committee on Appropriations ay may miyembro na 139 at ang vice chairmen ay 36,” wika ni Co.
Dadaan din anya sa pagsusuri ng 24 senador ang pambansang budget pagkatapos ay hihimayin ng Bicameral Conference Committee ng Senado at Kongreso na may 30 namang miyembro.
“So, paano na dalawang tao lang ang may hawak ng national budget, e ang daming dinadaanan niyan,” ayon pa sa Ako Bicol partylist representative.
“Mukhang hindi alam ni VP na ang Office of the President ang mag-e-execute ng budget at hindi ang Congress.” Hinamon din ni Co ang bise presidente na mas mainam na sagutin niya muna ang tanong ng Kongreso at ng Commission on Audit (COA) kung paano niya nilustay ang P125 milyon na confidential at intelligence fund sa loob lamang ng 11-araw, bago siya mag-akusa ng kung anu-ano.
Pagwawakas pa ni Co na tila natatakot ang bise presidente at baka hindi na naman masagot ang mga tanong ng mga mambabatas.
- Latest