MANILA, Philippines — Sinibak na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. si Bureau of Immigration (BI) chief Norman Tansingco.
Ang pagsibak kay Tansingco ay may kaugnayan sa pagtakas ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at makalabas ng bansa.
Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Cesar Chavez, tanggal na sa puwesto si Tansingco.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Marcos na gugulong ang ulo ng mga opisyal ng gobyerno na may kinalaman sa pagtakas ni Guo.
Si Guo ay sangkot sa illegal na operasyon ng Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) at nahaharap din sa kasong human trafficking at paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Samantala, sinabi naman ni Tansingco na walang Philippine immigration stamps ang pasaporte ni Guo na indikasyon na hindi ito dumaan sa kanila nang lumabas ng bansa.
Nabatid na sa pasaporte ni Guo na inisyu noong Setyembre 4, 2020 sa Angeles at balido hanggang 2030, nakasaad na siya ay ipinanganak sa Tarlac, Tarlac.