3 Chinese arestado; kinidnap na Malaysian nasagip

Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Li Xue Chang, 34; Huang Guanghong, 27; at Wang Yefu, 24, pawang residente ng Shore Residences sa Pasay City.
FREEMAN

MANILA, Philippines — Tatlong Chinese national na sangkot sa pagdukot sa isang Malaysian national ang naaresto sa Parañaque City, kahapon ng madaling araw.

Kinilala ang mga naarestong suspek na sina Li Xue Chang, 34; Huang Guanghong, 27; at Wang Yefu, 24, pawang residente ng Shore Residences sa Pasay City.

Sa imbestigasyon, naganap ang pagdukot sa 42-anyos na Malaysian national, noong gabi ng Setyembre 6, 2024 at natuklasan ito ng kaibigan ng biktima na isa ring Malaysian national sa pamamagitan ng ipinadalang Telegram ng mga suspek na nanghi­hingi ng ransom.

Sa Telegram din ipinadala ang mga larawan na nagpapakita ng pag-torture sa biktima kaya nitong Set. 8 ay idinulog na ito sa Parañaque City Police Station.

Agad na inilatag ang entrapment operation at pagsapit ng alas-5:30 ng umaga ng Set. 9 ay nagawang mailigtas ang biktima at nadakip ang tatlong suspek sa Macapagal Boulevard, Barangay Tambo, Parañaque City.

Nasamsam mula sa mga suspek ang tatlong unit ng kalibre .45, anim na magazines, 38 rounds ng ammunition, isang bolo, isang pocket knife, apat na cellular phones, boodle money, at isang silver Mitsubishi Adventure na ginamit sa krimen.

Samantala, isang Chinese national na nakilalang si Sun Libin, nasa hustong gulang, ng Acacia St., Brgy. Tabon 1, Kawit, Cavite ay dinukot ng anim na armadong kalalakihan habang pababa ng kanyang sasakyan, kama­kalawa ng alas-10:30 ng gabi. — Cristina Timbang, Ed Amoroso

Show comments