Lalaki iniuntog sa semento ng kasuntukan, utas

MANILA, Philippines — Namatay habang nilalapatan ng lunas sa ospital ang isang lalaki nang iuntog ang ulo sa sementong kalsada ng isang lalaki na kanyang kasuntukan, naganap kamakalawa sa Antipolo City, Rizal.

Kinilala ang nasawing biktima na si alyas ‘John’ dahil sa matinding pinsala sa ulo. Habang agad na naaresto ang isa sa mga suspek na si alyas ‘Ronnie,’ habang tinutugis pa ng mga pulis si alyas ‘Carlo.’

Sa ulat ng Antipolo City Police na naganap ang insidente, alas-6:45 ng gabi ng Sabado sa Brgy. San Isidro na sa hindi pa mabatid na kadahilanan ay nagkaroon umano ng hindi pagkakaunawaan ang mga suspek at biktima na nauwi sa suntukan.

Sa kasagsagan ng suntukan, nawalan ng balanse ang biktima at nabuwal sa sementadong sahig na sinamantala ni alyas Carlo at ilang ulit na iniuntog ang ulo nito sa semento, sanhi upang mawalan ito ng malay.

Isinugod sa pagamutan ng kanyang mga kaanak upang malunasan, ngunit nasawi rin kamakalawa.

Show comments