Nagpakilalang opisyal ni Pangulong Marcos, timbog ng NBI
MANILA, Philippines — Laglag sa mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang lalaki na nagpapakilalang mataas na opisyal ng Office of the President sa Palasyo ng Malacañang habang dumadalo sa isang malaking pagtitipon.
Kinilala ni NBI Director Jaime Santiago ang suspek na si Omar Pimentel Moreno na hinuli sa Capitol Compound ng Bayombong sa Nueva Vizcaya dahil sa kasong Usurpation of Authority sa ilalim ng Article 177 ng Revised Penal Code (RPC).
Nakarating sa impormasyon ng NBI na si Moreno ay nagpapakilalang Head ng Deputy Executive Secretary for Legal Affairs sa tanggapan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sinasabing si Moreno ay naimbitahan bilang isa sa “resource person” sa 1st Gaddang IPS Congress sa Bayombong, Nueva Vizcaya.
Sa pagberepika ng NBI sa Office of Deputy Executive Secretary for Finance and Administration, napatunayan na si Moreno ay hindi konektado sa Malacañang o sa naturang tanggapan.
Sa palihim na operasyon, nagawang makausap ng mga undercover agents ng NBI si Moreno sa mismong pagtitipon at nagpakilala rin sa kanilang opisyal ng Office of the President na may kapasidad na magrekomenda sa tanggapan umano ng Pangulo kung nais na mag-apply ng trabaho.
Sinabi pa umano nito na kilala niya ang Presidential son na si Congressman Ferdinand Alexander “Sandro” Araneta Marcos at General Thompson Lantion na Secretary General ng Partido Federal ng Pilipinas.
Bunga nito, habang nasa naturang malaking okasyon, agad inaresto si Moreno ng NBI.
- Latest