MANILA, Philippines — Idinepensa ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga opisyal ng gobyerno na nagpalitrato kay dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at sinabing parte na ito ng new culture.
Ito’y matapos mabatikos ang ilang NBI at BI agents na nag-escort kay Guo sa immigration office sa Indonesia matapos magpalitrato sa huli.
Sa kontrobersiyal na litrato, makikitang todo smile si Guo pati na rin ang mga katabi niyang kawani ng NBI at BI sa back seat ng sasakyan, na animo raw, ayon sa mga netizen, ay may outing.
Tiniyak naman ni Interior Secretary Benhur Abalos na walang special treatment kay Guo.
Kaugnay naman ito ng litrato nila ni Philippine National Police chief Rommel Marbil kasama si Guo na naka-all smile rin.
“I think that is a part of new culture now na nagpapakuha lagi ng kahit ano kasi ipo-post nila –‘Tingnan mo oh, kasama ako dito sa team na nag-aresto sa ganyan, ganyan’,” paliwanag ni Pangulong Marcos sa panayam ng mga reporter.
“We are the Selfie Capital of the World, ‘di ba? Hindi mo naman mapigilan ang tao na ngumiti. So they just had a selfie. I don’t think there’s much more to it than that,” dagdag pa niya.
Dumating si Guo sa bansa pasado hatinggabi nitong Biyernes, Setyembre 6.