MANILA, Philippines — Nasa 1,000 residente ng Brgy. Mayamot, Antipolo sa lalawigan ng Rizal ang binigyan ng ayuda na Philippine Chinese Chamber of Commerce and Industry, Inc. at Chinese Embassy in the Philippines.
Sa pangunguna nina PCCCII president Arian Hao at Brgy. Mayamot Chairman Rico Paulo Estanislao, nabigyan ng 5 kilo ng bigas at 1 kahong noodles ang mga residente na lubhang nasalanta ng Bagyong Enteng sa nagdaang tatlong araw.
Ayon kay Hao, tuluy tuloy ang kanilang gagawing relief operation hindi lamang sa Metro Manila kundi maging sa ibang lalawigan tulad ng Naga City sa Bicol sa panahon ng kalamidad.
Nagpasalamat naman si Brgy. Chairman Estanislao sa PCCCII na isang indikasyon na hindi nagpapaapekto sa pulitika ang grupo sa panahon ng kalamidad at sakuna.
Gayunman may apela ito sa mga residente na magkaroon ng disiplina upang maiwasan ang mga pagbaha sa lugar.