4 drug suspects, timbog sa higit P.3 milyong droga

MANILA, Philippines — Naaresto ng mga otoridad sa isang buy-bust operation ang apat na drug suspect sa Malate Maynila, nabatid kahapon.

Kinilala ang suspek na sina alyas ‘Paolo,’ 29, miyembro ng Sputnik Gang, ng Brgy. Bangkal, Makati City; ‘G.I.’, 33, delivery rider, ng Brgy. Bangkal, Makati City; ‘Jack,’ 47, driver, miyembro ng ‘Sputnik Gang’, ng Brgy. Talipapa, Quezon City; at ‘Tim,’ 33, call center agent, ng Brgy. Pio Del Pilar, Makati City.

Sa ulat ng Malate Police Station (PS-9) ng Manila Police District (MPD), dakong alas-12:10 ng madaling araw nang maaresto ang mga suspek sa Mabini St., Malate.

Nauna rito, nakatanggap ng tip ang mga otoridad hinggil sa ilegal na aktibidad ni alyas ‘Paolo,’ kaya’t kaagad na nagsagawa ng buy-bust operation.

Nang magpositibo ang operasyon ay kaagad na inaresto ang suspek at tatlo pa niyang kasamahan nang maaktuhang nag-iingat din ng ilegal na droga.

 Nakumpiska mula sa mga suspek ang may 52 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P353,600 at buy-bust money.

Show comments