MANILA, Philippines — Ipinahayag ni Vice President Sara Duterte ang kanyang hula na ang lider ng Kingdom of Jesus Christ na si Pastor Apollo Quiboloy ay wala na sa Davao City.
Ito ay sa gitna ng patuloy na paghahanap ng Philippine National Police sa pastor sa KOJC compound.
“Mahaba ‘yung panahon na pwede siyang umalis na sa Davao City, dahil mahaba rin ‘yung grandstanding na nangyari doon sa Senate committee hearing,” ani Duterte.
“So napakataas ng time na pwede niyang pag-isipan kung aalis na ako o hindi. Isa din ‘yun sa dapat pag-isipan ng administrasyon,” aniya pa.
Nang tanungin kung nasaan si Quiboloy, biniro ni Duterte na nasa langit na siya.
“One guess kung nasaan si Pastor Quiboloy? Nasa langit na siya,” ani Duterte.
Si Quiboloy, isang malapit na spiritual adviser ni dating pangulong Rodrigo Duterte, ay inakusahan ng sex-trafficking na mga batang babae at kababaihan na may edad 12 hanggang 25 upang magtrabaho bilang mga personal assistant, o “pastorals” na hinihiling umano na makipagtalik sa kanya.
Ang 74-taong-gulang na pastor at limang iba pang nasasakdal ay kinasuhan ng qualified human trafficking at iba pang mga gawain ng pang-aabuso sa bata.
Itinanggi ni Quiboloy ang mga paratang, at sinabing ginawa ng mga babae ang mga paratang matapos niyang tanggihan ang mga ito.
Ayon kay Duterte, wala siyang nakitang bunker o underground facility nang bumisita siya sa KOJC noon.
Naniniwala rin si Duterte na ang pulisya ay nakagawa ng pang-aabuso sa pagsasagawa ng warrant of arrest laban kay Quiboloy, ngunit idinagdag na ito ay isang bagay na tutukuyin ng korte.
Sinabi ni Duterte na dapat maging mabilis ang pagpapatupad ng warrant of arrest sa kabila ng laki ng lugar, kung isasaalang-alang na ang PNP ay nag-deploy ng malaking bilang ng mga tauhan.
“Magtataka ka 9 days na, hanggang ngayon hindi pa sila tapos sa pag-implement ng warrant of arrest nila. Dapat mabilis yon kasi totoo yan at tama yan, naapektuhan ang imahe ng Davao City. At naapektuhan ang negosyo ng mga tao,” ani Duterte.
Dumalo rin si Duterte sa 39th anniversary celebration ng KOJC noong Linggo ng gabi sa loob ng compound.