Habang nakadaong sa Escoda Shoal
MANILA, Philippines — Muli na namang nakaranas ng marahas na aksyon ang tropa ng pamahalaan matapos na banggain ng barko ng Chinese Coast Guard (CCG) ang barko ng Pilipinas na nakadaong sa Escoda Shoal.
Kahapon, kinumpirma ng Philippine Coast Guard (PCG) na muling nagsagawa ng “dangerous maneuver” ang barko ng CCG nang banggain ang BRP Teresa Magbanua na nakadaong sa Escoda Shoal nitong Sabado.
Ayon kay Commodore Jay Tarriela, ang spokesperson for the West Philippine Sea, sinadya o intentional ang ginawang pagbangga ng CCG 5025 sa BRP Teresa Magbanua. Ito ay nang magmaniobra ang CCG vessel na nagresulta sa direktang pagbangga sa unahang bahagi ng BRP Teresa Magbanua.
Binigyang diin ni Tarriela na binalewala ng CCG ang “collision regulation” nang banggain ang MRRV 9701 o ang BRP Magbanua sa starboard quarter nito.
Gayunman, walang nasaktan sa sakay ng BRP Magbanua, habang bahagyang napinsala ang barko.
Pinaniniwalaang nagtamo rin ng pinsala ang bumanggang CCG 5205.
Ang nasabing insidente ay nakunan ng video na ipinrisinta ni Tarriela.
Sa kabila ng malinaw na kuha ng video, nagpalabas agad ng pahayag ang China Embassy sa Maynila na ang BRP Magbanua ng PCG ang bumangga sa isang barko ng CCG.
Ang “dangerous maneuver” na ito nitong Agosto 31 ay ang ika-limang pagkakataon na ginawa ng China sa mga barko ng Pilipinas na sanhi ng banggaan.