MANILA, Philippines — Tatlong pulis ang naaresto ng mga kabaro matapos pasukin ang bahay ng isang negosyante at tangayin ang nasa P30 milyong salapi at mga gadget nitong nakaraang Agosto 28, sa Brgy. Borol 2nd, Balagtas, Bulacan.
Sa ulat na nakarating sa tanggapan ni Central Luzon Police Regional Director Brig. Gen. Jose Hidalgo Jr, kinilala ang tatlong nasakoteng pulis sa isinagawang follow-up operations na sina PSSgt. Anthony Ancheta, 48, may-asawa ng Brgy. Mojon, Malolos, kasalukuyang nakatalaga sa Malolos CPS; PMaj. Armando Reyes, 55, may-asawa ng Brgy. Sta. Cruz, Sta. Maria, Bulacan at nakatalaga sa Hagonoy MPS; at PSMS Ronnie Galion, 43, may-asawa ng Brgy. Mag-asawang Sapa, Sta. Maria, Bulacan at kasalukuyang nakatalaga sa Sta. Maria MPS.
Kasalukuyang tinutugis ng mga otoridad ang apat pang kasama na sinasabing mga aktibong pulis din na nakatalaga sa lalawigan ng Bulacan.
Sa inisyal na imbestigasyon, alas-10:00 ng umaga nang pasukin ng pitong suspek ang bahay ng negosyanteng si Emerson Magbitang, 35, isang pharmaceutical supplier at residente ng St. Francis Subdivision, Brgy. Borol 2nd, Balagtas, Bulacan.
Nagpanggap na nanghihingi ng tulong-pinansiyal ang mga suspek kung kaya nakapasok ang mga ito sa bahay ng negosyante.
Pagkapasok sa bahay ay tinutukan ang biktima ng baril at tinangay ang P30-M cash na umano ay bagong withdraw sa bangko.
Tinangay din ng mga suspek ang tatlong cellphone na kalaunan ay itinapon din ng mga suspek sa Balagtas NLEX nang tumakas ang mga ito upang hindi sila masundan.
Sa kasalukuyan ay nagsasagawa pa ng hot pursuit operation ang mga otoridad para masakote ang apat pang nakatakas na suspek.