Liquid shabu posibleng bumaha ngayong Kapaskuhan, election 2025 – PNP
MANILA, Philippines — Pinangangambahan ng Philippine National Police – Drug Enforcement Group (PDEG) na posibleng bumaha ngayong Kapaskuhan at midterm election 2025 ang liquid shabu sa bansa.
Ito naman ang sinabi ni PDEG Director PBGen. Eleazar Matta, base na rin sa kanilang natanggap na intelligence report na maraming illegal drugs ang papasok sa bansa.
Ayon kay Matta, isa sa kanilang minomonitor ay ang liquid shabu na mas mura at mas “discreet” ang bentahan kumpara sa tradisyunal na shabu.
Kadalasang social media ang ginagamit na platform ng mga drug syndicate na nahaharang pa rin ng kapulisan.
Ayon kay Matta, gagamitin umano ang mga illegal drugs para ibenta at pondohan ang ilang personalidad na tatakbo sa nalalapit na halalan.
Sa ngayon, may listahan na ang PDEG ng mga local chief executives o mga alkalde na sangkot sa iligal na droga subalit kailangan pa ring sumailalim sa beripikasyon.
Aniya, ang pagkakasabat ng malalaking halaga ng illegal na droga sa mga nakalipas na araw ay posibleng indikasyon na nagsisimula na ang operasyon ng mga drug syndicate.
- Latest