MANILA, Philippines — Tatlong Chinese national ang naaresto nang pinagsanib na puwersa ng PNP Drug Enforcement Group (PDEG), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Southern Police District (SPD) sa ikinasang operasyon sa Pasay City at Parañaque City kamakalawa ng gabi.
Ayon kay PDEG Director, Police Brig. Gen.Eleazar Matta, nagresulta ito sa 546 gramo ng hinihinalang shabu, 643 gramo ng Amphetamine Hydrochloride o liquid shabu, at 114 gramo ng Ketamine na nagkakahalaga ng P7.6-milyong piso.
Isang Chinese ang naaresto sa Pasay City habang ang dalawa naman ay naaresto sa isinagawang follow-up operations sa Parañaque City.Nasabat naman sa mga ito ang nasa 100 gramo ng ketamine na nagkakahalaga ng P500,000.
Ayon kay Matta, posibleng miyembro ng isang drug syndicate ang tatlong naarestong Chinese.
Nasa kustodiya ng PDEG-NCR sa Kampo Bagong Diwa sa Taguig City ang mga naarestong suspek na mahaharap sa kasong may kinalaman sa iligal na droga.