MANILA, Philippines — Naaresto kahapon ng mga otoridad si Daraga Mayor Carlwyn Baldo sa Camalig, Albay dahil sa pagpatay kay Ako Bicol Representative Rodel Batocabe at kanyang police aide noong 2018.
Sa police report, sinabi ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) na isinilbi ng mga otoridad ang arrest warrant kay Baldo, alas-12:45 ng madaling araw.
Inasistihan si Baldo ng kanyang legal counsel at dinala sa CIDG Albay office para sa dokumentasyon at wastong disposisyon, base sa CIDG.
Magugunita na nag-isyu ang Regional Trial Court – National Capital Region kamakailan ng bagong arrest warrant laban kay Baldo, kabilang sa limang akusado, para sa two counts ng murder na walang inirekomendang piyansa.
Noong Disyembre 2018, pinagbabaril si Batocabe at kanyang police aide na si Master Sergeant Orlando Diaz, habang dumadalo sa isang gift-giving event sa Daraga.