MANILA, Philippines — Isang panukalang batas ang ihahain ni ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo para tulungan ng pamahalaan sa pagpapagamot ng mga batang may sakit na biliary atresia.
Ayon kay Rep. Tulfo, may 200 na mga paslit ang may biliary atresia sa bansa ngayon at kailangan nila ang agarang gamutan.
Tanging liver transplant lamang ang solusyon ng mga sanggol o bata na dumaranas ng naturang sakit, kaya’t kadalasan ay hindi na sila umaabot sa edad na dalawang taong gulang dahil nga sa nasabing karamdaman.
“Ang problema umaabot sa halos two million pesos ang operasyon at ito at ginagawa lamang sa India,” anang mambabatas.
Aniya, “nakapagtataka na galing sa mahihirap na pamilya ang tinatamaan ng nasabing sakit kaya ang problema ay pinansyal”.
Dagdag pa ng mambabatas, “mainam sana kung matulungan ng pamahalaan ang mga batang ito kahit kalahati lang sana ng halaga ng kanilang pagpapa-opera.” Nabatid na ang biliary atresia ay isang ‘di pangkaraniwang uri ng sakit mula sa pagkasilang ng bata at ito ay may kinalaman sa atay.
Wala pang malinaw na medical explanation kung papaano nakukuha ng mga sanggol ang nasabing karamdaman.