MANILA, Philippines — Inihayag ng Bureau of Immigration (BI) na nasa Indonesia pa rin ang sinibak na Mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo at hindi pa nagtatangkang umalis ng bansa.
Ayon kay BI spokesperson Dana Sandoval, bukod sa sinibak na mayor ng Bamban, Tarlac ay nasa Indonesia pa rin ang kapatid ni Guo na si Wesley sa kabila ng impormasyon mula sa Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na nakaalis na siya ng bansa.
“We are waiting sa confirmation ng Indonesia counterparts natin kung may mga updates po sa biyahe niya,” ani Sandoval.
Ang pangalan ni Guo ay nakalista sa immigration lookout bulletin kasunod ng imbestigasyon sa kanyang tunay na pagkakakilanlan at ang kanyang pagkakaugnay sa mga ilegal na aktibidad ng isang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa Bamban.
Nauna nang sinabi ng mga otoridad na umalis si Guo sa Pilipinas noon pang Hulyo 18.
Nitong Huwebes, ipinakita ng PAOCC ang larawan ni Guo sa Kuala Lumpur International Airport noong Hulyo 21.
Samantala, ang mga kasama ni Guo na sina Shiela, kapatid nito, at isang kinatawan ng isa pang POGO firm sa Porac na si Cassandra Li Ong, ay naharang sa Indonesia at naiuwi na sa Pilipinas.
Idinagdag pa ni Sandoval, natuklasan nila na si Shiela ay mayroon ding Chinese passport, bukod sa kanyang Philippine passport at balido ang Chinese passport nito hanggang taong 2031.
Dagdag pa niya, ipade-deport umano nila si Shiela dahil sa misrepresentation at pagiging undesirable alien.
Naniniwala rin ang BI na si Shiela ay banta sa public safety, public interest at national security.