MANILA, Philippines — Nakumpiska ng Customs Intelligence and Investigation Service-Manila International Container Port (CIIS-MICP) ng Bureau of Customs (BOC) ang humigit-kumulang sa P500 milyong halaga ng smuggled cigarettes sa isinagawang pagsalakay sa mga bodega sa Bulacan kamakalawa.
Sa isinagawang inspeksiyon, nadiskubre rin ng BOC ang may P5 bilyong halaga ng copyright infringing items, gaya ng devices, garments, at gadgets.
Nabatid na nasa 19 bodega na matatagpuan sa Green Miles Compound, Sitio Cabatuhan, Camalig, Meycauayan City, Bulacan ang isinailalim sa pagsalakay ng mga ahente ng CIIS-MICP.
Binigyang-diin naman ni BOC Commissioner Bien Rubio ang kahalagahan ng pagtiyak sa kaligtasan ng tobacco products na ipinagbibili sa domestic market, gayundin sa proteksiyon ng intellectual property rights (IPR).
Ayon kay CIIS Director Verne Enciso, kaagad na ininspeksiyon ng operative team ang warehouse 1-19 matapos na kilalanin ng kinatawan ng bodega ang dala nilang LOA.
Sinabi ni Intelligence Group Deputy Commissioner Juvymax Uy na ipinadlak muna nila at sinelyuhan ang bodega upang protektahan ang mga nakumpiskang items. Ang consignors at consignees ng shipment ay maaaring maharap sa iba’t ibang kaso.