Sangkot sa love at trading scams… POGO hub ni-raid: 414 katao arestado
MANILA, Philippines — Tinatayang nasa 414 katao na kinabibilangan ng Chinese, Indonesian, Malaysian at Pinoy ang inaresto ng mga tauhan ng mga otoridad kasama ang mga kinatawan ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang isang POGO hub na umano ay sangkot sa love at trading scams hub sa Parañaque City, kahapon ng madaling araw.
Ayon kay NCRPO chief, P/Major General Jose Melencio Nartatez Jr., may isang buwan ang surveillance bago isinagawa ang raid alas-2:00 ng madaling araw gamit ang search warrants na inisyu ng Manila Regional Trial Court Branch 24, para sa kabuuan ng ika-9 na palapag ng isang pribadong gusali na ginagamit sa scam.
Sinabi ni Nartatez, na ang Room 901 na kumpleto ang kagamitan sa POGO hub ay interconnected sa iba pang silid sa nasabing palapag, kung saan naaktuhan pa ng mga operatiba ang mga ginagawa ng mga empleyado ang kanilang transaksyon sa mga biktima ng scam.
Ani Nartatez, inabutan nila ang ilan sa isang nakaset-up na office at sofa set kung saan nagme-make-up, nagmomodel-model pa umano ang mga empleyado upang palabasin na sila ay successful sa trading at nakikipag-usap sa mga tinatarget na kliyente na mag-invest ng pera.
Isang special software umano ang gamit ng mga empleyado ng scam hub at pekeng accounts para maengganyo ang mga kliyente na mag-invest sa cryptocurrency exchange platform.
Kinumpiska ang maraming computer at cellphone na gagamitin sa pagsasampa ng reklamong paglabag sa Republic Act 10175 o Cybercrime Fraud.
- Latest