Lalaki na tinamaan ng mpox, nakipagtalik sa spa
Nagpa-derma muna
MANILA, Philippines — Isang bagong pasyente na tinamaan ng mpox (dating monkeypox) virus ang nagtungo umano sa isang derma clinic at nakipagtalik sa isang illegal spa sa Quezon City, kaya nagkaroon ng mga close contact.
Sa pulong balitaan kahapon, sinabi ni Mayor Joy Belmonte na 28 sa 41 naging “contact” ng pasyente ay natukoy na sa pamamagitan ng contact tracing. Naka-self quarantine umano ang mga ito at sinusubaybayan ng QC Health Department.
Kabilang sa mga naka-quarantine ang masahista at ilan pang naging kliyente ng illegal spa.Iniutos na ni Belmonte, na ipasara ang spa na natuklasang walang mayor’s permit at iba pang kailangang dokumento.
Sinabi ng alkalde na hindi residente ng Quezon City ang pasyenteng may mpox case.
Nitong Lunes, inihayag ng Department of Health (DOH) ang ika-10 kaso ng mpox sa Pilipinas, na isang 33-anyos na lalaking Pinoy pero hindi lumabas ng bansa.
Nagkaroon umano ito ng “close, intimate contact three weeks before symptom onset.”
Nagsimula ang sintomas sa lagnat, na pagkaraan ng ilang araw ay nasundan ng mga pantal sa mukha, likod, katawan, batok, singit at pati na sa palad at talampakan.
Nitong nakaraang linggo, nagdeklara ang World Health Organization (WHO) global public health emergency para sa mpox sa ikalawang pagkakataon sa magkasunod na taon.
- Latest