MANILA, Philippines — Nagtamo ng pinsala ang dalawang barko ng Pilipinas matapos ang dalawang panibagong insidente ng pagbangga ng Chinese Coast Guard (CCG) sa West Philippine Sea.
Sa ulat ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) nagsasagawa ng resupply mission ang BRP Bagacay at BRP Cape Engaño ng Philippine Coast Guard (PCG) nang magkahiwalay silang banggain ng dalawang CCG vessel malapit sa Escoda Shoal.
Naganap ang unang insidente, alas-3:24 ng madaling araw nitong Lunes habang ang BRP Cape Engaño ay naglalayag sa bahagi ng 23.01 nawtikal na milya sa timog silangan ng Escoda Shoal.
Dahilan umano sa agresibong pagmamaniobra ng barko ng CCGV-3104 ng China ay nagresulta ito sa pagbangga sa starboard beam ng nasabing barko na lumikha ng butas sa deck nito na nasa limang diyametro ang sukat.
Nasundan ang insidente, alas-3:40 ng madaling araw kung saan nagtamo rin ng pinsala ang BRP Bagacay. — Doris Franche-Borja, Mer Layson