MANILA, Philippines — Aabot sa milyong halaga ng iba’t ibang uri ng mga puslit na agricultural products ang nakumpiska ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) at Department of Agriculture (DA) sa isinagawang anti-smuggling operation sa Dagat-dagatan, Navotas City.
Noong Agosto 15, sa tulong ng Northern Police District-Navotas Police Station at local barangay officials, nag-inspeksiyon ang grupo sa lugar at nadiskubre doon ang dalawang cold storage units na naglalaman ng iba’t ibang uri ng agricultural goods na galing sa China.
Isa sa mga cold storage unit ay naglalaman ng 132.75 tonelada ng puting sibuyas, na nagkakahalaga ng P21.2 milyon, habang ang isa pa ay mayroong nakaimbak na 89.89 tonelada ng imported carrots, na nagkakahalaga ng P13.48 milyon.
Nadiskubre rin ang 360 kilo ng kamatis, 10 kilo ng enoki mushrooms, at 92.25 tonelada ng imported white onions na nasa isang 40-foot container van na hindi nagbabayad ng kaukulang duties at taxes sa pamahalaan.
Sinabi ni Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) Director Verne Enciso na tumanggi ang warehouse owners, representatives, lessees, lessors, o occupants na tanggapin ang Letter of Authority (LOA) na inisyu ng commissioner.
Pinuri naman ni Intelligence Group Deputy Commissioner Juvymax Uy ang operasyon at binigyang-diin ang kahalagahan ng isang whole-of-government approach upang sugpuin ang smuggling sa bansa.