MANILA, Philippines — Kinontra ni Senador Joel Villanueva ang mga mungkahing muling buhayin ang online cockfighting o e-sabong na sinasabing isang paraan upang punan ang nawalang kita mula sa pag-ban sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs).
Sinabi rin ni Villanueva na bagaman at kailangan ang dagdag na buwis, hindi naman ito dapat manggaling sa ilegal.
Nauna nang naghain si Villanueva ng Senate Bill No. 1281 na naglalayong ipagbawal ang lahat ng uri ng online gambling sa bansa.
Ayon pa sa senador, kahit noong kasagsagan ng kanilang operasyon, napatunayan na hindi praktikal na solusyon ang POGO para sa pangangalap ng kita dahil ang nakokolektang buwis mula rito ay napakababa.
Katulad din ng nangyari bago ipahinto ang e-sabong noong Mayo 2022, kung saan pinaalalahanan ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang mga operator na magbayad ng kanilang tax obligations matapos madiskubre sa pagdinig ng Senado na kumikita sila ng bilyong piso sa online “talpak.”
Sa hiwalay na pagdinig ng Senado noong Pebrero 2024, inamin ng PAGCOR na nagpapatuloy pa rin ang e-sabong sa kabila ng pagbabawal dito. Nadiskubre rin sa pagdinig na may 789 aktibong e-sabong operations sa bansa.