Dahil sa tumitinding tensyon
MANILA, Philippines — Inabisuhan ng Embahada ng Pilipinas sa Beirut ang mahigit 17, 000 Pinoy sa Lebanon na magsilikas sa nasabing bansa sa gitna ng tumitinding tensyon sa pagitan ng Lebanon based Hezbollah at Israel na nagsimula nitong nakaraang linggo.
Sa evacuation notice ng Embahada, mahigpit na hinikayat nito ang mga Filipino citizens na agad lisanin ang Lebanon habang operational pa ang mga paliparan at gawing prayoridad ang kanilang kaligtasan.
Ang mga hindi naman makaalis sa nasabing bansa ay hinihikayat ng Embahada na lumikas sa pinakaligtas na lugar sa labas ng Beirut, South Lebanon at Bekaa Valley.
Maaari rin umanong kontakin ng mga Pinoy ang mga sumusunod na numero para sa kailangang tulong, para sa lahat ng OFWs na documented o undocumented: +961 79110729; para sa Overseas Filipinos (Dependents with Permanent Resident Status, i.e., wife iqama): +961 70858086.
“The safety and security of every Filipino citizen is our top priority. We urge you to act swiftly and follow the above instructions to ensure your safety,” saad pa ng Embahada.
Samantala, nanawagan si OFW Partylist Rep. Marissa “Del Mar” Magsino sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan na madaliin na ang pagpapalikas sa mahigit 17,500 Overseas Filipinos (OFs) at OFWs na maaaring maapektuhan sa lumalalang tensiyon at nakaambang matinding giyera sa Lebanon.
Umapela rin si Magsino sa Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na protektahan at tulungang mailikas ang mga OFs at OFWs sa Lebanon.