‘Araw ni Carlos Yulo’ inaprub ng Manila Council
MANILA, Philippines — Inaprubahan ng Manila City Council ang isang ordinansa na nagdedeklarang “Carlos Yulo Day” ang Agosto 4 kada taon, sa naturang kabisera ng bansa.
Ang inaprubahang ordinansa na inakda ni Konsehal ng Sixth District Salvador Phillip Lacuna ay nakasulat sa Filipino o ang “Araw ni Carlos Yulo” bilang paggunita na rin sa Agosto bilang “Buwan ng Wikang Pambansa.”
Nilinaw naman ni Lacuna na hindi dagdag na holiday, ang Carlos Yulo Day.
“Ang Carlos Yulo Day ay hindi po dagdag na holiday. Hindi po ito regular holiday, special working holiday o special non-working holiday. The ordinance does not mention the word “holiday” at all. Therefore, students and employees in the entire city of Manila are still required to attend school and work on this day. Carlos Yulo Day is simply a day of commemoration,” paliwanag ni Councilor Philip Lacuna.
Inaasahang lalagdaan na ang ordinansa ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan.
Nakasaad rito ang buhay at karera ni Carlos Edriel P. Yulo bilang isang homegrown sports prodigy ng Maynila, kung saan nag-aral siya sa Aurora A. Quezon Elementary School sa Malate, ilang beses na kinatawan ang Maynila sa Palarong Pambansa, at nagtuloy ng edukasyon sa kolehiyo sa Adamson University sa Maynila.
- Latest