MANILA, Philippines — Bumaba ang bilang ng mga mahihirap na Pinoy noong 2023, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA).
Anya, bumaba sa 10.9% ang poverty incidence sa mga pamilyang Pilipino noong 2023 mula sa 13.2% noong 2021.
Katumbas ito ng 109 sa bawat 1,000 pamilya na matatawag na mahirap.
Sa usapin ng populasyon, bumaba rin ang kahirapan sa 15.5% mula sa 18.1% noong 2021.
Ayon kay PSA Chief at National Statistician Dennis Mapa, katumbas ito ng 17.54 milyon ang bilang ng mahihirap na Pilipino noong 2023, na mas mababa ng 2.36 milyon sa naitala noong 2021.
Metro Manila pa rin ang may pinakamababang poverty incidence na nasa 1.8% habang ang BARMM naman ang may pinakamataas na poverty incidence na umabot sa 32.4%.
Kaugnay nito, ang average poverty threshold para sa pamilyang may limang miyembro noong 2023 ay nasa P13,873 kada buwan na mas mataas ng 15.6% kumpara noong 2021. Bumaba rin sa 4.84 milyon ang bilang ng mga Pilipinong “food poor” noong 2023.