MANILA, Philippines — Magandang balita sa mga pasyente na naka-confine sa ospital dahil sa wakas, mababawasan na ang kanilang gastusin dahil sasagutin na ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ang kanilang doctor’s fee na inaasahang ipatutupad na sa huling bahagi ng Oktubre ng taong ito.
Ito’y matapos ang pakikipagpulong nitong Miyerkules ng hapon ni Speaker Ferdinand “Martin“ Romualdez kina PCSO General Manager Melquiades Robles at Philippine Medical Association (PMA) President Dr. Hector Santos Jr. na ipinasilidad ni Deputy Majority Leader for Communication at ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo.
Dahil dito, sinabi ni Romualdez na malapit nang maging reyalidad ang hangarin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na magkaloob ng libreng pagpapa-ospital para sa lahat ng mga Pilipino.
Dumalo rin sa pagpupulong sina Senior Deputy Speaker at Pampanga Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Committee on Appropriations Chairman at Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, House Majority Leader and Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe gayundin si ACT-CIS Edvic Yap.
Sinabi naman ni Robles kay Romualdez na simula sa katapusan ng Oktubre, ngayong taon ang modalidad sa implementasyon ng programa na masasaklaw na ang coverage sa professional fees ng PCSO para maibsan ang pasanin ng mga maysakit na naka-confine sa mga hospital.
“All medical practitioners will (then) be covered by the government under the auspices of the charity agency under the auspices of the PCSO so that health care will be totally free,” anang House Speaker.