MANILA, Philippines — Isang babaeng African national ang dinakip matapos na makumpiskahan ng may P35 milyong halaga ng illegal na droga ng mga tauhan ng Bureau of Customs at NAIA-PDEA, nang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport 3 kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang pasaherong inaresto na si Jolene Du Plessis, 37-anyos nang magpositibo na may dalang droga sakay ng Etihad Airways Flight EY424 mula sa Abu Dhabi.
Batay sa imbestigasyon, alas-6:50 ng gabi nang maharang ni Marie Janica Arboleda, X-ray Inspector ng BOC-NAIA si Plessis.
Ayon kay Arboleda, nagsasagawa siya ng X-ray inspection nang makita ang kahina-hinalang bagahe ni Plessis na sakay ng EY 424 na galing Abu Dhabi.
Nang isagawa ang 100% inspection sa bagahe ay nadiskubre ng mga awtoridad ang 5,265 gramo ng hinihinalang shabu na may street drug price na aabot sa P35,802,000.
Ang pagkakadiskubre sa droga ay bunsod sa natanggap na impormasyon ng BOC at PDEA mula sa kanilang counterpart abroad na may isang babaeng pasaherong African national na may dalang kontrabando ang darating sa NAIA Terminal 3, nitong Martes.