Yulo tumanggap ng higit P14 milyon sa Kamara, Bronze medalist tig-P3.5 milyon
MANILA, Philippines — Ginawaran ng congressional medal of excellence nitong Miyerkules si Pilipino gymnasts double gold medalist Carlos Edriel Yulo na tumanggap ng mahigit P14-M cash sa Kamara habang tig-P3.5- M naman ang dalawang boxers na nakasungkit ng bronze medal sa katatapos na Paris Olympic 2024.
“You are our heroes, there is no limit to what we can achieve,” pahayag ni Speaker Martin Romualdez sa mga Pilipino Olympians.
Si Yulo ay ginawaran ng Congressional Medal of Excellence at Congresssional Medal of Distinction alinsunod sa pinagtibay na Resolusyon No. 233 at 240.
Samantalang umabot sa mahigit P14.010 milyon ang nakuhang cash prize ni Yulo kung saan tig-P3-milyon sa bawat isang medalyang ginto o kabuuang P6 milyon.
Sinorpresa naman ni Romualdez si Yulo at sinabing nag-aambagan pa ang mga Kongresista na nakalikom na ng karagdagang P8.10 milyon.
Ang mga boxing Bronze medalists na sina Nesthy Petecio at Aira Villegas na kababayan ni Romualdez sa Tacloban City ay tumanggap ng tig-P1-M at karagdagang P2.5-M prize.
Ang 19 iba pang mga atleta na sumabak sa Paris Olympics bagaman hindi nakapag-uwi ng medalya ay binigyan ng tig-P500,000 ng Kamara kabilang dito ay ang pole vaulter na si EJ Obiena.
Samantala, idedeklara ng Manila City Government ang Agosto 4 bilang “Carlos Yulo Day” habang itinakda na rin nila ang petsa ng pagpaparangal sa double gold Olympic medalist na si Yulo sa Agosto 19.
Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, ang ‘Carlos Yulo Day’ ay magiging working holiday kapag naipasa ang resolusyon ng Manila City Council sa pangunguna ni Vice Mayor Yul Servo bilang presiding officer.
- Latest