MANILA, Philippines — Muling dumami ang presensya ng mga barko ng China sa West Philippine Sea, ayon sa huling monitoring ng Philippine Navy na ipinoste nitong Martes ng gabi.
Ayon sa Philippine Navy, kabilang sa kanilang na-monitor na mga barko ng China ay ang 9 na People’s Liberation Army Navy (PLAN) vessels at 13 China Coast Guard (CCG) vessels na naispatan mula Agosto 6 hanggang 12. Ito ay mas mataas kumpara sa anim na barko ng PLAN at 12 CCG vessel mula naman nitong Hulyo 30-Agosto 5.
Bukod rito, dalawa pang China Research at Survey Vessels (CRSVs) ang naispatan kumpara sa isang umaaligid sa pinagtatalunang teritoryo nitong mga nakalipas na linggo.
Samantala, nasa 68 na China Maritime Militia Vessels (CCMVs) ang na-monitor, na mas mababa sa naunang 106 barko na nakita sa WPS.
Ang 68 CMMVs ay kinabibilangan ng anim sa Bajo de Masinloc, apat sa Ayungin Shoal, 37 sa Pagasa Island, dalawa sa Lawak Island, anim sa Panata Island at 13 sa Sabina Shoal. Ang dalawa namang CRSVs ay nasa bahagi ng Patag Island at Ayungin Shoal.
Base pa sa report mula naman sa 13 CCG vessels na naispatan sa WPS, tatlo rito ay sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal, lima sa Ayungin Shoal, dalawa sa Pagasa Island at tatlo sa Sabina Shoal.
Ang 9 na barko naman ng PLAN ay umaaligid sa Ayungin Shoal, dalawa sa Pagasa Island, isa sa Likas Island, isa sa Patag Island, tatlo sa Sabina Shoal at isa sa Iroquois Reef.