MANILA, Philippines — Isang panukalang batas ang inihain ni Davao City 1st District Rep. Paolo “Pulong “ Duterte na isalang sa hair follicle drug test at confirmatory urine test ang mga opisyal at empleyado ng gobyerno kabilang ang Pangulo para sa mithiing maging drug free ang bansa.
Ayon sa House Bill 10744, dalawa ang gagamiting paraan ng testing. Ang hair follicle drug test ang magsisilbing screening tests at ang urine drug test naman ang confirmatory test para sa mga magpopositibo sa unang test.
“Being at the forefront of public service with the mandate towards integrity and modesty, it is imperative that public officials and government employees should be the very first to uphold such Constitutional mandate by submitting themselves towards accountability measures that serve as a tool in addressing the fulfillment of this mandate,” sabi ni Duterte sa explanatory note ng panukala.
Batay sa HB 10744, ang drug test certificate ay magiging valid sa loob ng isang taon.
Ang random drug test ng mga elected at appointed officials sa gobyerno ay isasagawa kada anim na buwan.
Idinagdag pa dito na ang otorisadong mamahala sa drug testing ay ang mga forensic laboratory ng gobyerno at maging ang mga drug testing laboratories na may akreditasyon sa Department of Health (DOH) at ang resulta ng drug test ay may bisa sa loob ng isang taon.