MANILA, Philippines — Nilinaw ng Department of Agriculture na wala silang balak na bumili ng mga expired na bakuna kontra African Swine Fever (ASF).
Kasunod ito ng agam- agam ng ilang grupo na baka gamitin ang nasa 150,000 doses ng ASF vaccine na unang ipinadala sa Pilipinas noong nakaraang taon para sana sa trial nito.
Ayon kay DA Spokesperson Asec. Arnel de Mesa, hindi kinonsidera ng pamahalaan na bilhin ang mga ito.
Sa ngayon ay ongoing na aniya ang procurement para sa mga bagong bakuna na magkakaroon ng dalawang taong validity.
Kasunod nito, nilinaw din ng DA na hindi ibabakuna sa mga infected na baboy ang bibilhing ASF vaccine.
Magiging prayoridad lamang aniya sa bakunahan ang mga nasa red at pink zones partikular ang mga biik na hindi pa tinatamaan ng sakit para hindi na lumawak ang pinsala ng ASF.