Misis nagselos, binoga sa ulo ng mister na pulis
MANILA, Philippines — Nasa kritikal umanong kalagayan ang isang 47-anyos na misis matapos barilin sa ulo ng kanyang mister na pulis nitong Linggo ng gabi sa Quezon City.
Ang biktima na inoobserbahan sa Quezon City General Hospital ay kinilalang si alias Analiza, ng Brgy. Bagong Pagasa, Quezon City.
Nasa kustodiya na ng Talipapa Police Station ang suspek na pulis na may ranggong sarhento at nakatalaga sa Manila Police District (MPD), tubong Ilocos Sur at nakatira sa Macaba Compound, Upper Banlat, Brgy. Tandang Sora ng lungsod.
Batay sa report ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), naganap ang insidente, alas-8:30 ng gabi sa bahay ng ama ng suspek sa Brgy.Bagong Pagasa, Quezon City na noon ay nagdiriwang ng kaarawan.
Dumalo ang mag-asawa sa birthday nang may mabasang text message ang ginang sa cellphone ng mister na pulis na kinompronta nito.
Nauwi sa mainitang pagtatalo ang mag-asawa nang bigla umanong kunin ng suspek ang kanyang baril at malapitang binaril ang misis sa ulo.
Nang bumulagta ang misis ay mabilis na dinala ito sa ospital. Inihahanda ang kasong isasampa laban sa suspek na pulis.
- Latest