MANILA, Philippines — Mahaharap sa parusang kamatayan ang sinumang indibidwal na mapatutunayan nanggahasa sa lalaki man o babae bilang pagpapalakas ng kaparusahan laban sa sexual assault na nakatakda sa Anti-Rape Law of 1997 na isinulong ngayon sa Senado.
Sa Senate Bill 2777 na ihinain kahapon ni Sen. Robinhood “Robin” Padilla na amiyendahan ang Republic Act 2777 o ang Anti-Rape Law upang mas pabigatin ang parusa at isama ang death penalty sa mga kasong may “aggravating circumstances.”
Nais matiyak ni Padilla na bukod sa mas mabigat na parusa, dapat ding maging “gender-responsive,” ang batas dahil parehong lalaki at babae ang nagiging biktima ng sexual assault.
“Despite the penalties under RA 8353, this representation still finds it compelling to increase the punishment for any person who shall commit an act of rape as stated under Paragraph 2, Article 266-A of the Revised Penal Code, as amended by RA 8353,” aniya.
“By doing so, we can be more certain that our laws are stronger, more gender-responsive, and progressive especially in these changing times,” dagdag niya.
Ani Padilla, nakasaad sa 1987 Constitution ang pagbigay ng kahalagahan sa paggalang sa karapatang pantao. Mismo ring Saligang Batas aniya ang nagtakda sa Kongreso na bigyang prayoridad ang batas na protektahan ang karapatan sa dignidad.
Sa ilalim ng panukalang batas ni Padilla, ang reclusion perpetua hanggang kamatayan ay ipapataw kung: ang rape ay ginawa na gamit ang deadly weapon o ginawa ng dalawa o higit pang tao; ang biktima ay nasiraan ng bait dahil sa nangyaring rape; may homicide na nangyari sa pagtangkang rape; ang rape ay ginawa kasama ang “aggravating or qualifying circumstances” sa artikulo.