DOH: Hospital beds sapat sa pagsirit ng kaso ng leptospirosis
MANILA, Philippines — “Walang kakulangan sa hospital beds sa ngayon para sa mga kaso ng leptospirosis sa gitna ng pagsirit nito ilang linggo matapos ang matinding pagbaha sa Luzon bunsod ng bagyong Carina at Habagat.”
Ito ang sinabi kahapon ni Department of Health (DOH) spokesperson Assistant Secretary Albert Domingo na halos nasa full capacity ang mga kama sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) at San Lazaro Hospital sa nagdaang ilang araw ngunit ito ay agad na natugunan matapos i-refer sa ibang ospital ang mga pasyente.
Nauna nang ipinag-utos ng DOH ang pagsasabuhay sa surge capacity plan ng mga ospital sa National Capital Region dahil sa pagtaas ng bilang ng leptospirosis cases.
Paliwanag ni Domingo, maraming kama pa ang ilalaan sa mga ospital para sa mga kaso ng leptospirosis na kanilang tatanggapin sa pagdagsa ng mga pasyente.
May kabuuang 1,444 kaso ng leptospirosis ang naitala ngayong taon mula Enero 1 hanggang Hulyo 27. Mas mababa ito ng 42% kumpara sa 2,505 kaso sa parehong panahon noong nakaraang taon.
Animnapu’t pitong kaso ang naitala mula Hulyo 14 hanggang 27 ngunit malamang na maantala lamang ang mga ulat, ayon sa DOH.
Nitong Linggo, sinabi ng DOH na ang gamot para sa leptospirosis na doxycycline ay available sa merkado at health centers ngunit kailangan munang magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng reseta.
- Latest