MANILA, Philippines — Dalawang drug pusher ang naaresto sa isinagawang buy-bust operation sa Parañaque City, kamakalawa.
Kinilala ang mga suspek na sina alyas “Marvin”, 28; at alyas “Eduard”, 20 na nakuhaan ng 150 gramo na nagkakahalaga ng P1,020,000.00.
Sa ulat, alas-11:40 ng umaga nang isagawa ang buy-bust operation sa Brgy. San Dionisio, Parañaque City.
Samantala, ipinagmalaki naman ni Southern Police District (SPD) Director P/Brig. General Leon Victor Rosete na nasa 80 katao ang nalambat ng kaniyang mga tauhan sa ika-27 warrant day operation sa loob ng isang araw.
Kinabibilangan ito ng 10 katao na nabibilang sa top most wanted persons, 31 indibidwal na most wanted persons, at 39 iba pa na wanted persons.
Iniulat din ni Rosete na umabot sa P3.385,412.40 halaga ng iligal na droga ang nasamsam sa isang linggong anti-criminality operations, simula Agosto 5 hanggang 11, na umabot sa kabuuang sa 478.64 gramo ng shabu, 12.17 gramo ng marijuana at 76 tableta ng ecstasy.