Kongreso iimbestigahan ang ‘moro-moro’ raid sa KOJC compound
MANILA, Philippines — Nais na paimbestigahan ni Surigao del Norte 2nd District Cong. Robert Ace Barbers ang di umano’y ‘scripted’ o moro-morong raid ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Kingdom of Jesus Christ (KOJC) Compound noong nakaraang linggo kaugnay sa patuloy na paghahanap sa puganteng si Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon kay Barbers, kailangan na bigyan linaw ni NBI Region 11 Director Archie Albao ang akusasyon laban sa kaniya na ‘moro-moro’ lamang ang ginawa nitong raid kamakailan sa compound ni Quiboloy.
Sinabi ni Barbers, Chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na marami ang nakapansin ng tila ‘scripted’ at pawardi-warding paghahalughog ng NBI sa nasabing compound.
“Mabigat ang akusasyon kay Director Albao. Mahalaga na maimbestigahan ito para malaman natin ang katotohanan tungkol sa isyung ito. Ayaw natin magbigay ng ating conclusion dahil kailangan natin marinig ang anumang sasabihin ni Director Albao,” ani Barbers.
Ani Barbers, maraming kailangang ipaliwanag si Albao sa Kamara de Representantes kabilang na ang akusasyon laban sa kaniya na malapit umano siya o ang tinatawag na may “close ties” kina Quiboloy at dating Pangulong Rodrigo Duterte.
- Latest