Marcos, VP Sara ‘di na nagkikita at nag-uusap
MANILA, Philippines — “Wala akong description sa relationship namin ngayon ni President Marcos. Hindi na kami nagkakausap, hindi na rin kami nagkikita”.
Ito ang pahayag ni Vice President Sara Duterte hinggil sa kasalukuyan nilang relasyon nila Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa isang panayam ng Sonshine Media Network International (SMNI) nitong Huwebes.
Nitong Miyerkules, Agosto 7, binatikos ni Duterte ang pamahalaan kabilang ang Kamara dahil sa kakulangan umano nito ng aksyon sa mga isyu sa kalusugan, seguridad, imprastruktura, at foreign interference.
Sa mahabang pahayag para sa Muslim community, sinabi ni Duterte na ang bansa ay pinamamahalaan ng mga opisyal na “disloyal” sa sinumpaang tungkulin.
“Kung sino ‘yung nakikita ninyo nagre-react publicly and privately sa mga sinasabi ko, ‘yan ‘yung mga tao na natatamaan sa mga sinabi ko sa statement ko kahapon,” sinabi ni Duterte.
“Yung hindi tapat sa serbisyo, hindi tapat sa kanilang trabaho at hindi tapat sa pagsisilbi sa bayan,” dagdag pa niya.
“Hindi ako gumagalaw para sa administrasyon, hindi ako gumagalaw para sa oposisyon, hindi politika kundi para sa bayan,” ani Duterte.
- Latest