MANILA, Philippines — Pormal nang inumpisahan kahapon ang itinuturing na Mother of all Festivals na “Niyogyugan Festival” sa lalawigan ng Quezon.
Sa pamamagitan ng pagputol sa laso o ribbon na pinangunahan ni Governor Dra. Helen Tan, kasama si Department of Tourism Region 4A Regional Director Maritess Castro, 3rd District Rep. Reynan Arrogancia, at mga chief executives ng 39 na bayan at 2 lungsod sa lalawigan ay opisyal ng binuksan sa publiko ang mga naggagandahang Agri Tourism Booths na tatagal hanggang sa Agosto 19, 2024.
Naging tampok sa pagsisimula ng selebrasyon ang Tagayan ng pamosong Lambanog sa Quezon kasunod ng pagtungo ng gobernador at mga panauhin sa mga agri-tourism booths ng bawat bayan kung saan ay itinatampok ang kanilang mga “One Town, One Product “(OTOP) at mga produktong agrikultura.
Nakapaloob din sa mahigit isang linggong festival ang pagtatampok sa “Ginoo at Binibining Niyogyugan, Grand Tagayan Music festival, Kulturang Quezonian, Kalusugan sa Quezonian, Job fair, Lambanog Summit, Lambanog, Mixology contest, Painting contest, Niyogyugan Grand Parade at ang taunang pagkakaloob ng parangal sa mga Quezonian na nag-ambag sa kaunlaran sa lalawigan na tinawag na “Quezon Medalya ng Karangalan“ (QMK) kasabay ng kaarawan ni dating pangulong Manuel Luis Quezon.