MANILA, Philippines — Nakatakdang bilhan ng Deparment of National Defense (DND) ang nasa 115,000 miyembro ng Philippine Army ng P11.7 bilyong halaga ng ballistic helmets at body armor upang mapalakas pa ang kapabilidad ng depensa.
Sa bulletin na ipinoste ng DND sa website, sinabi rito na ang ballistic helmet project ay may pondong P2.875 bilyon.
Ang bidding ay bukas para sa mga dayuhan at maging sa mga lokal na nagmamanupaktura pero dapat ay maayos ang kondisyon ng eligibility alinsunod sa nirebisang 2016 Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Republic Act (RA) 9184 o ang Government Procurement Reform Act .
Ayon pa sa bulletin ang magwawaging bidders ay obligadong magdeliber ng ballistic helmets sa loob ng limang taong period na ang batches ay dapat nasa 23,000 piraso kada taon.
Sa hiwalay na bid bulletin, sinabi rito na nasa P8.832 bilyon naman ang alokasyon para sa pagbili ng military body armor para sa kabuuang 115,000 puwersa ng hukbong katihan.
Inihayag dito na ang magwawaging bidders ay kailangang maideliber ang mga items sa loob ng limang taon na dapat ay ang batches ay nasa 23,000 kada taon.
Idinagdag pa dito na ang bidding ay isasagawa sa isang bukas na proseso ng ‘competitive bidding “ na tatalima sa IRR ng procurement law.
Itinakda ng DND ang pagbubukas ng bidding sa Agosto 20 sa tanggapan ng DND sa Camp Aguinaldo, Quezon City.