MANILA, Philippines — Inaresto ng Bureau of Investigation (BI) ang isang Chinese national na umano’y sangkot sa trafficking ng mga kapwa Chinese upang magtrabaho sa mga online gaming hub o POGO sa Pilipinas.
Kinilala ang lalaking Chinese na si Wang Chuancong, 35, na naaresto sa loob ng kanyang condominium unit sa Roxas Blvd. sa Parañaque City noong July 30 na pinangunahan ng Fugitive Search Unit ng BI.
Ayon sa BI, ang pag-aresto ay sang-ayon na rin sa kahilingan ng mga otoridad ng Tsina na naglabas ng detention warrant laban kay Wang sa Jinjiang, China, noong Abril 2024, kung saan kinahaharap nito ang kaso ng human trafficking.
Inaakusahan din si Wang na pinamumunuan nito ang isang sindikato kung saan namemeke ito ng mga dokumento para sa ilegal na pag-alis ng mga Chinese national upang magtrabaho sa ibang bansa, kabilang na ang Pilipinas.
Ibinunyag din ni BI Commissioner Norman Tansingco na si Wang ay itinuturing na undocumented alien dahil sa pagkansela ng kanyang pasaporte ng gobyerno ng China. Pumasok din umano si Wang sa bansa noong Pebrero bilang isang turista.
Kasalukuyang nananatili sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City si Wang habang hinihintay ang kanyang deportasyon pabalik ng China.