MANILA, Philippines — Isa nang ganap na ordinansa na isinulong ni dating three-term Congressman at ngayo’y City Councilor Alfred Vargas matapos lagdaan ni Mayor Joy Belmonte ang Ordinance No. SP-3285, S-2024 o Quezon City Integrated Cancer Control Ordinance (QCICCO).
“Ang QCICCO ay isang landmark public health policy na nagtataguyod ng isang whole-of-government at whole-of-society approach sa cancer control. Sa pag-akda at pagsulong nito,kinikilala nating kailangang pagsama-samahin ang iba’t ibang sektor upang matugunan ang sakit na ito,” ani Vargas. Ayon kay Vargas, inuugnay ng QCICCO ang mga mandato at kakayahan ng iba’t ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan tulad ng Persons with Disabilities Affairs Office, Social Services Development Department, at iba pa, habang pinapalakas pa ang kapasidad ng City Health Department.
Sa ilalim ng ordinansa, magkakaroon ng cancer control coordinators, cancer patient navigation and referral system at local cancer registry ang Quezon City na makakatulong para maitulay ang mga pasyenteng may kanser sa kinakailangang panggastos sa pagpapagamot.
Ang ordinansa ay hango rin sa Republic Act No. 11215 o National Integrated Cancer Control Act (NICCA) na siya ring inakda ni Vargas sa Kongreso. Base sa datos ng Philippine Statistics Authority, pumapangalawa ang kanser bilang sanhi ng kamatayan sa bansa na may 10.4% share sa total deaths noong 2023.
Pinasalamatan din ni Vargas ang Department of Health at ang mga naging katuwang niya sa pagbabalangkas ng ordinansa.