71 solon, reporters lulan ng eroplano..
MANILA, Philippines — Arestado ang isang babaeng senior citizen na naka-wheelchair matapos na magbiro na may lamang bomba ang kanyang bagahe sa loob ng eroplano na pabalik na sa Maynila at may lulang 71 kongresista at reporters, sa Tacloban City airport nitong Biyernes ng gabi.
Ang PAL flight PR 2988 na naka-iskedyul na sanang mag-take off sa Daniel Romualdez Airport sa Tacloban City pabalik sa Maynila dakong alas-6:40 ng gabi nitong Biyernes nang magbiro ang lola sa wheelchair sa flight attendant na kaya mabigat ang kaniyang bagahe ay dahil bomba ang laman nito.
Ang pasaherong lola ay kasalukuyan nang nasa loob ng eroplano bilang prayoridad na pasahero na mauunang makasakay pero habang tinutulungan ng flight attendant ay biglang nag-bomb joke na itinuturing na seryosong banta sa seguridad sa ilalim ng Presidential Decree No. 1727 (Bomb Joke/Threat Law).
Kabilang sa mga lulan ng nasabing eroplano sina Manila 6th District Bienvenido Abante Jr., Bataan 3rd District Rep. Geraldine Roman, Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo, OFW Partylist Rep. Marissa del Mar Magsino at iba pa gayundin ang ilang reporters ng Kamara na nagsagawa ng coverage sa ika-1 taong anibersaryo ng BPSF caravan ng P1.26 bilyong halaga ng serbisyo at ayuda ang ipinamahagi sa mga residente ng Eastern Visayas.
Dahil dito, bilang bahagi ng standard operating procedure ay sinuspinde muna ang proseso ng boarding kung saan inaresto ang matandang na-offload sa eroplano at dinala sa tanggapan ng PNP Aviation and Security Group (ASG) sa nasabing paliparan at isinailalim sa masusing imbestigasyon.
Nasa 71 kongresista na nagtungo sa Tacloban City para dumalo sa nasabing serbisyo caravan ni PBBM ang pinababa sa eroplano at dinala sa holding room habang nagsasagawa ng inspeksyon ng mga awtoridad. Ibinaba rin ang lahat ng bagahe sa loob ng eroplano na agad sinuri ng K9 team kasama ang mga bomb sniffing dogs.
Wala namang natagpuang bomba sa loob ng eroplano, kaya pinasakay muli ang may mahigit 200 pasahero at dakong alas-9:59 ng gabi kamakalawa ng gabi nang ligtas na makarating ito sa destinasyon sa NAIA terminal 2.
Samantala bilang reaksyon, sinabi ni Rep. Roman na dapat magsilbing aral ito sa lahat ng mga tao na bawal ang “bomb joke” sa paliparan dahil hindi ito tama at mananagot sa batas ang sinumang lalabag dito.