MANILA, Philippines — Nasa 870 toneladang basura ang nahakot sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila dulot ng pananalasa ng habagat na pinalakas ng bagyong Carina, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kahapon.
Sinabi ni MMDA Chairman Romando Artes, ang kabuuang nahakot na mga basura ay simula lamang ng Hulyo 24 hanggang Hulyo 31.
Kahapon, pinangunahan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) at “Kalinga At Inisyatiba Para Sa Malinis Na Bayan” (KALINISAN) program ng MMDA ang cleanup drive sa Malabon City, kasunod ng pagbaha dulot ng naturang kalamidad.
Sinabi ni Interior Secretary Benhur Abalos na ang programa, na nakatutok sa cleanup operations ay naglalayong magbigay ng malusog at ligtas na kapaligiran at hikayatin ang partisipasyon ng komunidad na nakaangkla sa diwa ng bayanihan.
“Garbage is a big contributor to flooding. The trash we throw away comes back to us. President Ferdinand R. Marcos Jr., through this program, wants to teach the public about proper waste disposal, particularly segregation,” ani Abalos sa isinagawang simpleng seremonya sa Tinajeros barangay hall.
Hinikayat ni Abalos ang komunidad na makipagtulungan sa pamahalaan upang mapanatiling malinis ang kapaligiran sa pamamagitan ng disiplina at tamang gawi sa pagtatapon ng basura.