Sunog sa Maynila: 11 katao patay
LPG tank sumabog…
MANILA, Philippines — Labing-isang katao ang nasawi matapos makulong sa nasusunog na residential building na nasa Carvajal St., Binondo, Maynila, Barangay 289, kahapon ng umaga.
Batay sa Manila Bureau of Fire Protection (BFP), sumiklab ang sunog, alas-7:20 ng umaga sa canteen ng ikaapat na palapag na residential-commercial building.
Sinasabing nagsimula ang sunog sa isang tumagas na tangke ng Liquified Petroleum Gas (LPG) ng kantina na nasa unang palapag ng gusali.
Pasado alas-10 nang ideklarang fire-out ang sunog ng Bureau of Fire Protection (BFP).
Alas-12:00 ng tanghali naman nang isa-isa nang inilalabas ng mga tauhan ng MPD-Homicide, Scene of the Crime Operatives (SOCO) katuwang ang BFP ang mga labi ng 11 indibidwal na na-trap sa gusali.
Ayon sa landlord na si Nori Minete, kasama sa nasawi ang kanyang asawa, dalawang kawani ng Philippine Coast Guard (PCG), tig-isang empleyado ng bangko at Eng Bee Tin at ang iba pa ay empleyado ni Manite sa kanyang karinderya.
Ayon sa mga tao sa lugar, agad na umakyat sa ikalawang palapag ang sunog nang sumabog ang tangke ng LPG sa canteen na nasa unang palapag.
Tiyempo namang wala sa gusali si Minete dahil siya ay namalengke para sa kanilang canteen.
Agad namang ipinag-utos ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan sa Manila Department of Social Welfare and Development (MDSW) na bigyan ng tulong ang mga nasawing biktima.
Gayundin, ipinag-utos na rin ng mayora ng lungsod sa Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) hinggil sa naganap na sunog na magsagawa ng imbestigasyon kung may nangyaring kapabayaan.
Wala nang iniulat na nadagdag pa sa bilang ng mga nasawi sa sunog.
- Latest