22 senador pumirma sa resolusyon
MANILA, Philippines — Pumirma ang 22 senador sa isang resolusyon na humihimok sa pamahalaan na pansamantalang suspendihin ang implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), o tinatawag ngayon bilang Public Transport Modernization Program (PTMP).
Lahat ng mga senador maliban kay Risa Hontiveros ang pumirma at nag-akda ng panukalang Senate Resolution 1096. Hindi pa ipinaliwanag ni Hontiveros kung bakit hindi siya pumirma sa naturang hakbang.
Nais ng mga senador na magkaroon muna ng linaw at maresolba ang mga isyu at problemang dulot ng PTMP.
Ayon sa resolusyon, bagaman at mahalaga ang PTMP sa solusyon sa pamamahala ng trapiko, pero dapat isaalang-alang ang pangamba ng mga tsuper at transport operators na direktang mabibigatan sa pagpapatupad nito.
Sa kabila ng Abril 30, 2024 na deadline na itinakda ng Department of Transportation (DOTr) para sa konsolidasyon ng mga public utility vehicles (PUVs), tinukoy ng resolusyon na 36,217 units, o humigit-kumulang 19% ng mga jeepney at iba pang PUV, ang hindi pa nako-consolidate.
Nakasaad din sa resolusyon na 174, o 11.05% lamang, sa 1,574 local government units (LGUs) ang nag-apruba sa Local Public Transport Route Planning (LPTRP).
Ipinunto rin sa resolusyon na nakakaalarma ang potensyal na pag-phaseout ng iconic na disenyo ng jeepney dahil sa modernong desinyo ng mga mini-bus na inangkat mula sa ibang mga bansa.