MANILA, Philippines — Apat na katao ang nasawi habang tatlong iba pa ang nasugatan matapos mahulog ang kanilang sinasakayang boom trak sa bahagi ng Barangay Sangbay, Nagtipunan, Quirino, kamakalawa.
Kinilala ang mga nasawi na sina Florante Barayuga, 42; ng Barangay San Andres, Santiago City, Isabela; Daisy Regatan, 48, ng Dinapigue, Isabela; Rogelio Neverio, 69; at Henry Baldoza, 25, kapwa residente ng Bulan, Camarines Sur.
Kinilala naman ang mga sugatan na sina Marco Valdez, 29; Marbil Medes, 34, kapwa residente ng Santiago City; at Sonny Regatan, 58.
Ayon sa report, galing umano ang boom trak (NDI 7160) na naglalaman ng mga construction materials sa coastal town ng Dinapigue at patungo sana sila sa Santiago City nang pumalya ang preno ng sasakyan sa pababa at palikong bahagi ng kalsada na naging dahilan para ito ay bumulusok sa 10-metrong lalim na bangin.
Agad na binawian ng buhay ang driver na si Barayuga at isa sa pasahero na si Daisy matapos silang isugod sa hospital ng mga sumaklolong miyembro ng Nagtipunan Rescue 105 at Maddela Rescue 104 habang sina Baldoza at Niverio ay binawian din ng buhay sa loob ng pagamutan dahil sa mga matinding sugat sa katawan.