Bangkay ng lalaki, lumutang sa ilog Pasig

MANILA, Philippines — Isang bangkay ng hindi kilalang lalaki ang natagpuan na palutang-lutang sa Ilog Pasig sa Binondo, Maynila kamakalawa ng umaga.

Inilarawan ng Manila Police District (MPD) -Police Station 12, ang biktima na nasa edad 30-40-anyos, malaki ang pangangatawan, may taas na 5’5” hanggang 5’8”, nakasuot ng gray na t-shirt na nakapaloob sa isang kulay berde na long sleeve na may nakatatak na “Toyu Construction.”

 Nabatid na, alas-5:57 ng umaga nang madiskubre ng Philippine Coast Guard (PCG) personnel na si PO3 Jerome Rivera, ang bangkay na palutang-lutang sa ilog, malapit sa Coast Guard Compound, Parola Base, Binondo.

Nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga otoridad upang matukoy ang pagkakilanlan ng biktima, gayundin ang sanhi ng pagkamatay nito.

Show comments