MANILA, Philippines — Inihayag ng Department of Health na posibleng tumaas ang kaso ng leptospirosis sa susunod na mga araw dahil sa malakas na ulan na dulot ng bagyong Carina at Habagat na nagresulta ng matinding pagbaha sa bahagi ng Luzon.
Sinabi ni Health Secretary Ted Herbosa na ang incubation period ng leptospirosis ay lima hanggang 14 araw, kaya posibleng magsulputan ang mga kaso sa susunod na linggo.
“Dadami ‘yan (cases), sinasabi ko sa inyo. Dadami ‘yan next week. And by that time, tsaka namin isa-set up ‘yung [leptospirosis] lane,” sabi ni Herbosa.
Gayunman, ipinaliwanag niya na ang mas mahalaga kaysa sa pagtatalaga ng leptospirosis lane sa mga pasilidad ng pangangalagang pangkalusugan ang pagpapakalat ng impormasyon kung paano matukoy, masuri, at gamutin ang sakit.
Nitong Hulyo 13, may kabuuang 1,258 kaso ng leptospirosis ang naitala sa bansa ngayong taon, kung saan 133 ang namatay.
Ang mga sumusunod na rehiyon ay nagkaroon ng pagtaas ng kaso ng leptospirosis mula Hunyo 2 hanggang Hulyo 13: Zamboanga Peninsula, Caraga, Soccsksargen, Western Visayas, Mimaropa, Eastern Visayas, at Northern Mindanao.